Ang pinakagwapong dancer sa balat ng lupa.

Sinabi mo sakin noon, ang tagal mo akong hinanap.
Sumayaw sa iba’t ibang tempo ng buhay,
iba’t ibang babae ang nakasayaw at nakilala.
Lahat magaganda at sikat,
mga binibining nagbibigay buhay sa mga binata.

Ngunit isang araw ay nakilala mo ang ordinaryong ako.
Ako na walang malay, ako na parehas kaliwa ang paa
At ikaw na biglang nagsabing “Tara’t sumayaw tayo”.
Inalok mo ako, tumangi ako. inalok, tumangi. Isa, dalawa, tatlo,
apat, limang beses akong tumangi, mapilit ka pa din.

Ako na ang sumuko, “Sige, halika na”.
Tinuruan mo akong sumayaw, sumayaw sa iba’t ibang dancefloor
at tempo na parang walang naka tingin sa atin.
Nagbibigay lang sa isa’t isa ng saya at aliw.

Madalas akong nadudulas, natatapilok at umiiyak
sa hirap ng mga indak na kailangan natin sa ating sayaw.
Tatlong beses din akong sumuko at iniwan ka sa gitna,
mas piniling umupo at hanapin ang makakaintindi sa akin.
Ngunit lahat sila umayaw, parehas daw kasing kaliwa ang paa ko.

Nagdasal ako sa langit, “wala na bang magyayaya ulit sa akin?”
habang nakapikit, may lumapit at nagtanong, “maaari ka bang maisayaw ulit?”

Ang ngiting nakabibighani.
Ang mga matang kumikislap sa saya dahil natagpuan ka ulit.
At ang tanong na walang sawa mong inaalok sa akin.

Ngumiti at kinuha ko ang malambot mong kamay,
inalalayan ako sa bawat hakbang.
Ang sakit na naiwan mula sa tapilok at dulas ay unti-unting
nawawala habang umiindak ng dahan-dahan.

“Hindi tayo nagmamadali”, anya niya.
“Enjoy mo lang at ramdamin ang koneksyon ng isa’t isa”.

Salamat sa walang sawang pagyaya,
Sa walang sawang pag-akay.
At sa unlimited mong baon na pasensya.
Salamat, salamat sa pinakagwapong dancer sa balat ng lupa.